Pagoda

on Monday, July 14, 2014
Naranasan mo na siguro ito, yung pagod na pagod ka na dahil sa maghapong trabaho o lakwatsa. Talagang kalos na kalos na parang gusto mo nang magteleport pauwi. Tapos maglalakad ka pa dahil nasa looban pa ang bahay mo. Yung sandali na mas gusto mong mamahinga kesa sa kahit na anung bagay sa mundo. 

Tapos, pagdating mo ng bahay nyo ay parte-rak-en-rol. Yung speakers parang gustong lumuwa sa lakas ng tugtog, ingay pala, sa lakas ng ingay. E wala kang boses sa pamilya, akala nila lahat ng gagawin nila e oks lang sayo at dahil minsan lang din naman daw sila mamahinga. Nagkataong yung paraan nila ng pamamahinga ay mas nakaka-ubos ng enerhiya mo. 

Anung gagawin mo? 

a.maglaslas ng pulso 
b.magmaka-awa with matching luha 
c.ipinalangin ang kanilang kaluluwa 

Ganito ang sitwasyon ko ngayon. Gusto kong magwala at sirain ang kasangkapang pinatutugtog. Gusto kong magwala. Pero hindi pwede. Hindi tama. 

Ang problema pa ay maaga ka pa kinabukasan. Masusukat talaga ang pagpapatawad at ang maiksi mong pasensya. 

Umaapaw na Ka-badtripan!

on Thursday, July 10, 2014



Gravity! 

Halos lamunin ako ng bigat-hila ng ka-badtripan ng Sabado ng gabi. Madaling araw nako nakatulog nung Biyernes, tapos nag-ukay kinabukasan, nag-assist sa pagtuturo ng mga bata, nagpraktis ng choir, ta's nakauwi ng bandang alas-otso na ng gabi. 

Of course, antok na antok na'ko dahil kalos na. Hinintay ko pang patayin ang tv bago ako makatulog. Ang kaso humilata ang tatay ko sa higaan ko tapos nagpatugtog na naman ng kanyang umaapaw sa ka-baduyang playlist na binubuo ng teleserye theme songs at 80's-90's pop hits. Umupo ako sa sala. Nag-uumpisa na ang 'evilness' sa hart hart ko. Grrr. 

Patay nga ang tv, buhay naman ang pagkalakas-lakas na tugs-tugs. Nasa sala nga ako, pero rinig ko pa rin ang tugs-tugs dahil plywood lang ang ding-ding na pagitan ng sala at kwarto-kusina namin. So, kailangan kong i-endure ang torture. 

Naisip kong i-rereformat ko ang memory nyan kapag nahawakan ko. Pero masama 'yon. Worse pa, naisip kong lasunin ang mga manok n'ya for the nth time. Wala man lang siyang konsiderasyon sa gustong mamahinga. Ako kaya nagpapatuka tuwing hapon! Palagi ko na lang naiisip i-poison ivy ang mga manok niya kada nababadtrip ako sa kanya. Si Mama, walang magawa sa asawa niya, basta naglalaba siya at bahala na kayo. Naglalaba pa kahit Linggo na bukas? 

Naki-usap akong baka pwedeng mag-earphones, kasi meron naman. Pero walang balak. Halos maluha-luha na'ko sa ka-badtripan with oozing ka-baduyan. Magsusundo pa ako ng mga bata bukas, tapos kakanta sa choir at tatayo para mag-exhort sa giving.
Naglaban ang prayer at pamumuo ng wrath, evil thinking, grudge, at discontentment sa puso ko. Kung mawala na lang sana ang existence ko ng isang gabi? Or mabingi ako just this night? Hayy... 

Nakakatulog-tulog nako sa upuan, nang umalis sa higaan ko ang kinamumuhian kong tatay that time. Tapos na ring maglaba ang nanay ko. Pasado alas-onse na ng makalipat ako sa higaan ko, hindi pa rin pinapatay ang tugs-tugs. Buti na lang at nag-force shutdown na ang bugbog kong brainlet.

Pagkagising ko, oks na ko ulit. Parang na-reformat. Alas-sais:siete, tamang-tama lang. Naghanda na'ko ng sarili, bihis na at magpaplantsa na lang. Asan ang extension?! Hindi umaabot ang plantsahan sa sasakan. Gusot pa ang damit ko. Ito lang ang ugat ng ka-badtripan ko. 

Wala si Mudra, wala akong mapagtanungan. Lumilipas ang oras, kumakalat na ang liwanag. Umiinit na ang sikat ng araw. Umiinit na rin ang ulo ko. Of all the days of the week naman kasi, hindi siya pumupunta sa palengke ng madaling araw, ngayon pang Linggo?! Anu yan? diyos-diyosan? May susunduin pa'kong mga bata, tanghali na. 

Dumating ang nanay ko pasado alas-siete, umalis nako kahit nag-aalok siya ng puto para sa almusal. May halimaw na ng barungi sa dibdib ko. Pagdating ko sa pick-up point ng mga bata, wala na sila 'ron. Baka umuwi na dahil akala nila hindi na sila susunduin dahil tanghali na. Brr talaga as in! 

Hindi ako makakakanta. Hindi ako makakatayo. Ang hirap mag-explain kung bakit. Hindi ako magpapakita sa simbahan. Mali 'yun.

Sa Lusacan ako magsisimba. Sumakay ako ng dyip, at nakasakay ko pa ang ka-churchmate ko. Nakapagsinungaling pa 'ko. Mali ulit 'yun. 

Pagdating ko 'ron. Malamang nagulat si Jeuel at Alquin. Napaka-unusual kasi. Akala pa ata ng nanay ni Jeuel naglayas ako. Sabi ko sumabog ako at halata nga raw. Pagkatapos na ng tanghalian ko dinitalye sa kanila. 

Matapos ang tanghalian. Uminom kami ng gatas. Tapos natulog. Sinamantala ang katahimikan. Sinamantala ang kapayapaan. 

Kailangan ko pang harapin ang mga mapait na kapalit ng pagkawala ko. 


Study Questions:
1. Bakit di ko na lang prankahin nanay ko? 
Mahirap. 

2. Bakit hindi na lang ako magpaliwanag sa simbahan? 
Mas mahirap. 

3. Bakit kailangan maghirap? 
Ewan. 

4. Bakit malupit (in horrendous sense) ang teleserye theme songs at mga kanta ni Vina?
 Mas ewan.


Links: 

https://www.facebook.com/christwinfelix

Malandificent

    Na-mimiss ko yung mga araw na nakikipagpa-kyutan ako sa text at maging sa chat. Puro "maen na pu" o "nu gawa *^_^*" ang mga tineteks ko. Aktibong lablyf sabi ng kabataan. Kalandian sabi ko ngayon. Fourth year hayskul pa yung huli na may kasama pang pagpapakyut sa tawag. Nitong fourth year college kasi pa-very light lang. Spark-spark lang kumbaga. Sana lang hindi ito binabasa ng mga taong na-link sa'kin. Artista?! 

Gayunpaman, at least medyo normal pa ko. Dinadaanan talaga 'yang ganang stage. Akala ko kasi dati wala akong puso at dynamo lang yung tumatakbo sa dibdib ko. Napansin ko, mga ilang panahong pag-o-obserba, napapabilis uli ang tibok ng puso ko. Kapag nakikita ko sa booksale ang mga matagal ko nang hinahunting na mga libro. Dugs. dugs. dugs. Lalo na kapag hardbound at may jacket pa, tapos below Php 200 lang. Sukdulang mangutang. 

Yung chatbox ko. Medyo nakaka-alarma rin dahil kundi writer, ay publisyer, o di kaya'y buk istor ang mga ka-chat ko. Meron ding mga strangers na sa peysbuk ko lang nakilala.
Mga instant tropa dahil bookworm siya. Hindi ko pa kasi kino-consider na bookworm ang tulad kong mabagal at tamad magbasa pero pasasaan ba't sisipagin rin. 

Mga taong kapareho mong mahilig mangalkal sa buk istors. Mga parehong "iniidolong" manunulat. Parehong gustong magsulat. At parehong kalagayang salat sa pambili ng aklat. Haist! Maiisip mo na baka may kakambal ka na nawawala. 

Ang mga paglalandi ko'y nagbunga naman ng ilang aklat ngayong Hulyo. Hayy ang saya lang ng may libreng libro. At umaasa pa ako sa maraming pa-contest, pa-rebyu, at pamigay na aklat. 

Pasasalamat:
Chapter IX Bookstore: Salamat sa tatlong issues ng Crime-Fighting Call Center Agents na napanalunan ko noong anibersari nyo. Kahit na hindi ako mauna-una sa pagtatype ng "mine" nanalo pa rin. Hanggang sa susunod na anibersari. haha. Sana makabisita at makabili rin ako sa tindahan n'yo sa hinaharap. O magtinda kayo ng libro ko sa hinaharap, maganda rin yun. Pagpalain pa ang inyong sales!

#GetPaged: Salamat sa paghirang ninyo sa'kin para makatanggap ng limang libreng libro. Panalo! Salamat rin sa mga manunulat at indibidwal na nag-donate. Hindi man sa'kin mapupunta ang mga librong pambata ay magiging bahagi ako ng kasiyaha't paghubog ng pagkatao ng mga bata. 


Ida-drop ko, along with other volunteers in Manila, Visayas, at Mindanao, sa mga lugar kung saan maaaring may makapulot nito. Ang makapulot ng libro ay kanya na! Yey!
In the coming days, alam ko marami pang libro ang mahahawakan ng kamay ko.


Si Ateng Robot at ang aking Pasensya

    Nagpunta ako sa isang delivery service-courier dito sa bayan ng Tiaong. Meron akong ipi-pick up na delivery galing sa isang bookstore. Nanalo ko ng libro, good vibes di ba? 

Medyo naghintay rin ako ng shipping ng dalawang araw pero 24 na oras lang pala dapat. Ganun kabilis. Palagi naman akong may transac dito sa padalahan na ito, dito nagpapadala yung mga publishers ng mga aklat na pinaparebyu nila pero palaging door-to-door. Ngayon lang ako nagka-pick up. 

Naghintay din ako ng trenta minutos para makapag-claim, pagdating ko doon sa counter:
"ID" sabi ni Ateng walang ka-emo-emosyon. 

"Naku! Wala pa po ulit akong valid id dahil kaka-graduate ko lang" paliwanag ko kay Ate with matching nangungusap na mga mata. 

"Co. no. meron ka?" sabi ni Ate na flat na flat ang intonation. Di ba dapat aangat ang tono sa bandang dulo kapag nagtatanong? Siya flat lang na pantay-pantay. 

Oo naman yes! Meron ako, akala ko kasi talaga oks lang walang ID. Idinikta ko tapos tinype niya. Pak! Enter. Nakita niyang meron nga.

"ID mo?" hingi pa rin siya. 

Iniabot ko ang reg.form ko, with teary eyes, na public doc din naman at ito lang ang sabi niya: 
 
"Hindi ID yan, police clearance pwede." 

Asar na'ko. Kapag nagdedeliver sila wala naman silang kinukuhang ID sakin para sa security protocol nila. Basta na nga lang nila iniiwan, hindi sa bahay namin doon pa sa may tindahan ni Ka Denya. Ni wala nga silang pag-uusisa kung natanggap ko talaga yung padala. Kaya akala ko pwedeng tiwala lang. 

Hindi talaga umubra ang charm ko kay Ate, parang tomboy ata ito e. Ano? Suntukan na lang? Pag tumumba ka ire-release mo libro ko. Imbyerna kasi talaga. Kala ko you like to move it? E mukhang you like to hold it naman? You hold it against me! 

Mukhang wala akong magagawa kundi bumalik doon at ipakita ang school ID ko na invalid na naman talaga. 

Nalaman ko na nakaharap din pala ito ni Roy dati. Nagmaka-awa siya dahil naghintay siya ng matagal tapos mag-a-alas singko na, sarado na raw. Gasino na mag-pack ng docu? Hayun, pinabalik pa rin siya. 

Lalo lang tumibay ang deductions ko na robot si Ate. Walang emosyon. Walang konsiderasyon. At higit sa lahat, nakaprogram. Kung magkakataon pa lang pumasok ang robot age, hindi na malilinang ang ating pakikipagkapwa. 

Dapat kasi babasahin na namin 'yon. 
Nakakaines talaga! Raaah!!! <*punit damit>

Napa-ibig,,,

     Tuwing dumadaan kami nina Roy sa may Sr. Pedro, isang litsunan ng manok, sa may 9M-DPWH Overpass sa Lusacan ay parati akong nagbibiro na bibili ako para sa tanghalian o hapunan namin kena Jeuel. Malimit kasi talagang makikain kami roon. O di kaya'y nanghihinayang kunwari na sarado na ang litsunan kung napadaan kami ng malalim na ang gabi. Malimit nagbobonete lang talaga kami sa katabi nitong panaderya. Pero itinanim ko sa puso ko na isang araw na makakabili rin kami niyan at kakaing sama-sama, itaga mo pa sa pitso. 

Matagal na rin na hindi ako nakapanlilibre, nakakamiss rin nomon. Until isang araw na nabalita kong may makukubra pa raw ako sa iskul na ilang libo. Nalaman ko na na-aprubahan pala ang iskolarsyip ko mula sa kapitolyo kahit na iisa lang ang subject kong tineyk - 3 units lang. Umubra ang charm ko sa bading na nag-i-screening, keme lang!

Agad akong nagsadya sa aming mahal na paaralan. Aba! Iba na ang accounting mas masigla kumpara sa dati na mukhang laging puyat na inahin. Nakuha ko ang ilang libo.

Salamat! Salamat! Lalala, awit ng gutom kong bulsa. Makakapag-litsong manok na kami.
Kinalunesan, Hunyo 30, nagpasya kaming mag-dinner date nina Roy, Alquin, at Jeuel. Sagot ni Jeuel ang bigas, sagot ko ang manok, sagot ni Alquin ang maiinom, at sagot ni Roy ang kwento. Hindi no, malaki kaya ang sinagot ni Roy, tunghayan. 

Sinamahan ko muna si Roy na umuwi para magbihis at magpaalam. Me bonding daw kami. Tapos dumeretso na kami sa may 9M-worth DPWH Overpass para bumili ng litsong manok.
Wala nang umiikot-ikot sa ihawan pero may usok-usok pa. Baka naman hindi lang naka-display, tinanong namin yung nagbabantay, umiling lang ito. 

Tumawa ako ng malakas. Pero may panghihinayang. Para kasing joketime, sa tinagal-tagal na paikot-ikot yung mga manok dun na tila ba nangmamata samin dahil hindi namin mabili tapos kung kailan may kapasidad nako saka pa naubos. Anu yan joke?! Dahil malapit na doon ang bahay ni Jeuel, dumeretso na kami sa kanila.

Sinundo lang namin si Jeuel para samahan kaming bumili na lang ng pritong manok. Pero gusto ko pa rin yung litson e. Pumunta kami sa palengke ng Lusacan, dito ko nakikita yung mga kulto at nakakapagtanong kung bakit sila may pang-kwek-kwek tapos ako anak ng Diyos nga-nga? Nagtanung lang ako hindi nagrereklamo. At ito na nga bibili kami ng prayd sheken! Wooh! Pagdating namin sa bilihan, sarado na. 

Huwag mawalan ng liwanag may isang bilihan pa, lagi yung nagtitinda kahit gabi na dun sa may kanto papuntang blue bar. Pero wala rin kaming nabilhan, sa lahat naman ng araw na magde-day-off siya ngayon niya pa naisip. Parang isang malaking JOKE ang lahat. 

Habang daan para akong naglilihi sa litsong manok. Napa-ibeg na ika nga ng mga matatandang Tiaongin. Nagsusog si Roy ng panukala, sa Tiaong daw bumili kami. Una, pagod nako kako. Pangalawa, magastos sa pasahe. 

At dahil siya ang nakaisip, siya ang pinush naming bumili sa bayan. May Sr. Pedro din sa may Bantayan. Pinilit-pilit pa namin si Roy bago 'to pumayag.
Nang maisakay namin si Roy, nakita naman namin si Alquin na umuwi muna rin sa kanila para magpaalam. 

Sabi sayo malaki ang papel ni Roy. Dumating si Roy nang halos wala pang isang oras. Sabi niya tatlo na lang daw yung manok at tatlo silang bumibili. Sakto!
Nagsalo-salo kami sa hapunan. Naglaro ng "mahika negra" hanggang sa sumuko si Roy para ma-decode ang mahika. Naglaro ng Advance Wars, kasali nako. Tapos natulog ng maaga, mga alas-dos. 

Pasasalamat:
Sa Pamilya Pampolina: Sa pagkupkop samin kahit wala kaming pasabi. Sa mga pagsasakripisyo sa nakokonsumo naming bigas, kuryente, at tubig. At sa pagtitiis sa aming kaingayan.
Kay Roy sa pagbili niya ng manok sa bayan.
Kay Alquin, sa pagtitimpla niya ng juice at di pagsugod sa base ni Roy.
Kay Jeuel na pers time kaming pinagsaing t pinaghain. 

Kay BOSS! Sa mumunting salaping ipinagkatiwala mo sa akin. Medyo paubos na baka meron pa diyan. Alam mo naman po kung saan ko nilagak yung iba. :)) Solomot with flying hugs! 

June 30, 2014
Brgy. Lusacan, Tiaong, Quezon


Corn-y Festival

on Thursday, June 26, 2014
Nakakatuwa. 

Pasado Alas-nuebe na ng umaga kami nagising nina Roy, Alquin, Jeuel, at Alvin. Tama ka, nanulugan na naman kami kena Jeuel. Walang hila-hilamos, walang ligpit-ligpit, wala pang mumog-mumog, ay lumabas kami para abangan ang parada. 

Wow! Parada! Ang tagal ko nang di nakakakita ng parada. Mga sampung taon? O baka higit pa. Magpipiyesta ang bayan namin kaya may corn float parade. Wala naman akong interes sa piyesta pero nakakagulat na hindi na pala Lubid-lubid/Cow Festival ang ipinagdiriwang ng Tiaong. Binago ng kasalukuyang administrasyon. 

Sa aming kadugyutan hinintay namin ang parada sa kahabaan ng Maharlika Highway sa lilim ng 9m-worth na overpass ng DPWH. 

Nasa unahan ang mga pulis, tapos bikers club, tapos mga lgu, tapos mga float establishment, tapos may kanya-kanyang paandar. 

Nakakatawa. 

Yung float ng Kambingan, isang kilalang panaderia sa aming bayan ay nagsabog ng tinapay. Nakakuha kami ni Alquin ng tig-isa. Yey! May almusal na. 


Yung float ng water district, bukod sa kendi ay nagpasirit pa ng tubig. 

Yung isang genetic farm, parang may mutant na nakasakay. Parang taong-kabayo, hindi Centaur, mas mukhang tikbalang. Ewan, mumukat-mukat pa kasi kami nun. 

May napansin kaming mabagal na float, yun pala sa senior citizen. Nagbiro pa nga si Jet-jet na ito raw ang mga tipo ni Jeuel. May mga naka-gown kasi na mga thunders sa float. Nakakatuwa dahil binibigyang pansin sila, empowerment para sa mga nakatatandang miyembro ng lipunan. 

Yung float ng mga bangko, hinintay naming magsabog ng barya, pero wala naman. 

May naghagis ng Boy Bawang, napa-isip tuloy ako. Bakit nga ga Boy Bawang ang tawag dine ay mas marami naman ang mais? 

May magagandang float at may chaka rin naman. Isa lang ang nakita kong mensahe ng float parade, ang paghihikayat sa mga mamumuhunang magtayo ng mga negosyo. Maganda naman dahil magkakaron din ng trabaho at karagdagang buwis sa aming bayan. 

Andami naming napulot na kendi, ibinalik kami sa pagkabata. Throwback!


Nakakalungkot. 
Ang pangit lang ay nabatid ko na kinelaim (inako) daw ng Tiaong ang pinakamataas na produksyon ng mais sa Pilipinas. Apat na taon kaming naglagalag sa mga taniman at kumausap ng mga magsasaka sa bayan namin at pamilyar kami sa mga itinatanim ng mga Tiaonging magsasaka. Ilan lang ang magmamais. 

Nabalitaan ko pa ang naganap na car show sa bayan kasi nga corn festival. Corn festival. Car show. Marami bang car enthusiast sa bayan namin at di lang ako na-inform? Baka naman parte pala ang kotse ng kultura ng aming nagsasakang bayan? O may mangangapital para sa isang car dealing hub dito sa aming bayan. Walang ganito, kaya hindi ko rin madefine ang essence ng car show. Ang mahalaga may napanuod ang mga mamamayan. 

Hindi ko alam ang motibo sa pagpapalit ng piyesta. Uulitin ko, wala akong interes sa piyestahan, pero sa cultural heritage at historical roots preservation, meron. Parang walang ginawang konsultasyon upang malinang ang sining, kultura, at kasaysayan ng Tiaong.


Hindi ako historian, hindi rin artist, pero alam ko na dapat linangin ito pati na ang wika at panitikan ng ating bayan. Ito kasi ang magsasabi kung sino tayo bilang mga Tiaongin. 

Hindi dapat kalimutan ang Lubid-lubid na nagpapabatid na makakamit ang pag-unlad sa pagkakaisa. Sa ispirito ng bayanihan. Mukhang matatabunan na rin ang bulong ng kwento ni Donya Tating (Tiya) at ang unga ng kanyang baka. Matatakpan na ang mensahe ng pagtulong ng mga rakrakan at baklaan. 

Malamang hindi ito naikonsulta at napag-aralan ng mga nag-organisa kaya di sinasadyang pinapatay ang pamanang kasaysayan at kultura ng mga sinaunang Tiaongin.

Babay Buknoy!

   Nasa simbahan ako nang malaman ko ang balita, humihingi ako ng pambili ng burger kay Mudra; patay na raw si Buknoy. 

"Ha? Sinong Buknoy?" tanong ko kahit iisang Buknoy lang ang kakilala ko. 

Si Buknoy ay kapit-bahay namin, isang bahay lang ang pagitan. Pren-pren to ng kapatid ko, kasamang magbasketbol at kasamang magbulakbol. Sanggang putik sila kahit na may mga ilang beses silang nagpanuntok. Kaya hindi rin nga makapaniwala ang kapatid kong si Bernunang. Ninong pa siya ng anak ni Bernunang. Magkasama pa nga raw sila kagabi sa palabas sa bayan. 

Tinatayang alas-tres ng madaling araw namatay si Buknoy. Aksidente sa motorsiklo ang dahilan.Bumangga sa kotse. Bukas ang bungo. Walang lisensya, walang helmet, walang ligtas. Sa edad na 18, deadz. Pati ang ka-angkas na babae. 

Wala atang balita na namatay na hindi kagulat-gulat. Palaging pinapa-ulit kung sinung namatay sa pagbabaka sakaling mali ang dinig at di kilala ang namatay. Yung may sakit kasi may clue ka na na pwedeng isang araw ma-deadz pero kapag aksidente palaging shocking. 


Mabilis daw talaga magpatakbo ng motor si Buknoy. Nakasakay na rin ako minsan. Sabi ni Pudra mabait daw si Buknoy sa kanya. Sabi nh Mudra, nakakuwentuhan pa raw niya ito kahapon sa may ilog kung saan kami naglalaba. Nakita ko pa ngang nililinisan niya ang magdadala sa kanya sa kabilang buhay. Lahat kami wala sa hinagap ng diwa naming made-deadz siya kinabukasan. Ang buhay nga naman, asan na kaya si Buknoy? Nasa kabilang buhay nga ba siya? 

Pag-uwi ko, doon ako dumaan sa likod ng bahay nina Buknoy. Dama mo agad ang ispirito ng dalamhati. Nasalubong ako ni Beybi, ang bunsong kapatid ni Buknoy. 

"Kuya Jors, nasa ospital si Kuya Uknoy, nabalita mo?" masaya pa si Beybi. Buong akala niya huhugasan na lang daw ng paa si Buknoy at uuwi na sa kanila ito.

Bertdey Boy: E-Boy


   Bertdey ni E-boy noong ika-14 ng Hunyo at labing-siyam na taong gulang na siya. Single; ang alam namin. Kaya naman sa bertdey niya wala siyang ka-date kundi kami. Nina Alquin, Roy, Ako, at si Alvin. Umaura kami buong araw. 

   Noong gabi ng ika-13 ng Hunyo, Biyernes, galing pa kami sa funeral service para kay Nanay Gaya, kaya gabi na kami naka-uwi. Naka-uwi sa kanila. Sinamahan namin si Jeuel na salubungin ang kaniyang bertdey. Nag-alarm pa ako ng recorded song na "hapi bertdey Jeuel" pero hindi ko naman narinig. Wala rin. 

   Ang plano talaga ay magsisine ng How to train your Dragon 2. Inaabangan kasi talaga ni Jeuel ito. Astig na astig siya kay Toothless, isang dragon na may lightning speed at retractable teeth. Hindi ko masyadong bet yung pelikula dahil sa mga misconceptions nito ukol sa mga Vikings. Ito ang ilan: 

a. Hindi sungayan ang kanilang mga helmet. Plain lang ang mga ito at may face covering pa. Late 19th Century na ng lumabas ang image ng Vikings na may horned helmets. Parang nalalaos na artistang bigla na lang nagpaseksi; repackaging. 


b. Hindi sila matatabang mandirigma. Lumulusob sila ng mga nayon-nayon tapos mga matataba sila? Sabi ng mga historians mas malaki ang posibilidad na slim ang kanilang pangangatawan dahil kapos sila sa pagkain. Mahaba ang tag-yelo sa northern hemisphere kaya kaunti lang ang oras para magtanim ng kakanin. Wala pang hydroponics at greenhouse technology noon. Kaya nga sa panahon ng tag-araw, lumulusob sila sa iba't-ibang nayon, kadalasan sa mga coastal areas, para manguha ng pagkain, kayamanan, at mga alipin. Kulang sila sa pagkain, tapos i-po-portray na obese? Lokohan. 

c. Sa HTTYD 1, ang mga Vikings ang biktima ng paninira at pagnanakaw ng mga dragon. Ano na lang ang pakiramdam ng mga kaanak ng mga kanununuang mga biniktima ng mga Vikings ngayon? 

   Sa bagay, fiction nga di ga? Walang maling fiction. Kaya lang hindi naman nagsusuri ang maraming manunood, kaya nagkakaroon ng mga buktot na konsepto. Anong problema ko? Bertdey ko ga? HTTYD2 ang gusto ng bertdey boy.

   Ang bertdey boy ang makapangyarihan. Siya ang nasusunod. Siya ang Alpha.Kaya lang nang tignan namin ang presyo ng tiket, Php 220. Hindi namin afford lahat. May hindi makakasama, pag may naiwan, hindi na masaya. 

   Kaya binago ang plano: Sampalok lake na lang ang aura. Viking pa rin naman, yung de pedal. Tapos manghuhuli kami ng tutubi; How to train your dragon -fly. Papangalanan din namin, dahil tagalog version, si Toothless ay si Bungal. Masaya rin naman ang magbisikleta sa Sampalok lake at matagal na rin ng huli naming magawa 'yon. 

   Dahil may mga gawain pa kami bago ang pagdiriwang, nag-almusal lang kami kena Jeuel, tapos kanya-kanyang aktibiti muna. Sina Alquin at Roy, may praktis tapos ako mag-assist pa ng pagtuturo sa mga bata. Alas-dose ang tagpuan sa SM, Booksale muna bago mag-Sampalok lake. 

   Nag-imbentaryo lang kami sa Booksale, wala kaming binili. Pero halos isang oras din kaming nagtingin-tingin ng mga rolibs. Therapy na sa mga pagod namin katawan. Tapos nagkayayaang silipin ang presyo ng HTTYD2. Sisilipin lang? Paano kung Php 150 lang? Gora na? Basta silipin lang, ang request ng bertdey boy. Pagdating namin sa may ticketbooth. Php 155 - HTTYD2 sabi ng overhead monitor. 

   Nagkaroon pa ng mumunting deliberasyon, pero gaano man kahaba ang prusisyon, sa sinehan pa rin ang tuloy. Naabutan pa namin ang mga trailers. 

   Maganda yung atake ng pelikula. May ilang eksenang talagang pumukaw ng damdamin ko. Ito ang ilang spoiler points: 

a. Yung pagtatagpo ni Hiccup at ng Mama niya. Na kahit sanggol pa lang si Hiccup ng makuha ng dragon ang nanay niya ay nakilala pa rin niya ito. Lukso ng dugo, parang pinoy teleserya sa dreamworks. 

b. Yung adbokasiya ng Nanay ni Hiccup na pangalagaan at pag-aralan ang mga dragon sa isang safe sanctuary ng nilikha ng Alpha; ang punong dragon. Kaya hindi na ito bumalik sa nayon nila dahil walang naniniwala sa teorya niyang may isip at napapaamo ang mga dragon. Si Hiccup kasi ipinaglaban niya ang teorya niya, youth angst ang drive nung part 1 e, at maganda ang resulta.

c. Yung nagtagpong muli yung nanay at tatay ni Hiccup sa safe sanctuary. Andami-dami pang sinasabi ng nanay ni Hiccup kung bakit hindi na siya bumalik, hindi na nagpakita pero pinatahimik siya ng isang halik ng pagtanggap at pangungulila. Sa lumipas ng 20 taon ay maganda pa rin daw ito. Nakakaiyak itong parteng ito grabe. Love conquers all. hart. hart. 

d. Yung namatay ang tatay ni Hiccup at binigyan ito ng nordic chief's burial. Napakarangal na libing. At kailangang saluhin ni Hiccup ang responsibilidad ng isang chief. Nahaharap pa naman sila sa isang krisis dahil kinuha lahat sa kanila ang kanilang dragon at may nakakakontrol sa isang itim na Alpha. 

   Ayoko nang i-spoil pa ang mga ibang eksena. Puso ang atake ng pelikula at kung paanong kailangang hanapin ang sarili at harapin ang responsibilidad na kabalikat ng mga pagtuklas.

   Ang alam ko napaiyak si Jeuel. Inspiring at makabagbag damdamin naman talaga, pusong bato lang talaga ang hindi maluluha. 

   Lumabas kami ng masaya at gutom. Pasal na pasal na. Kumain kami sa bayan ng San Pablo sa isang maliit at tagong kainan. Masarap kasi talaga ang siomai nila rito. Tapos naglakad patungong Sampalok Lake, nagkwek-kwek at pinagsayaw sa ibabaw ng upuan si Alvin. Para sa ikakasiya ng may bertdey. 

   Naglakad papuntang bayan. Para sa banchetta, andami-daming pagkain sa night food market. Tapos naglakad na papuntang terminal ng dyip pauwi. 

   Ramdam na namin na halos kalos na kalos na ang aming mga katawan. Tinanong namin si Jeuel kung masaya ito. 

   Tumango siya.